Leachon sa suspensyon ng PCP: Harassment
MANILA, Philippines — Tinawag na harassment ni Public Health reform advocate Doctor Tony Leachon ang pagsuspinde sa kanya ng Philippine College of Physicians (PCP).
Si Leachon ay sinuspinde ng anim na buwan ng PCP dahil sa paglabag sa Code of Ethics kabilang dito ang defamation at unethical public statements sa kapwa niya mga doktor na isinampa ni dating Undersecretary Kenneth Go.
Sa desisyon ng PCP Board of Regents, sinabi nito na si Leachon ay nakagawa ng seryosong kasalanan matapos na akusahan sa publiko ng korapsyon at unethical conduct ang kanyang kapwa doktor ng walang personal na kaalaman.
Naniniwala naman si Leachon na kabilang din sa mga nagreklamo sa kanya ay si Congresswoman Janet Garin at iba pang opisyal ng Department of Health (DOH) na nahaharap sa mga kasong kriminal at sibil dahil sa kontrobersiya sa Dengvaxia.
Bagama’t ginagalang aniya ang desisyon ng PCP, kinuwestyon din niya ang timing ng suspensyon na kasabay ng paghahain niya ng cyberlibel laban kay Cong. Garin, lalo pa ang nakasaad na dapat ay mayroong 15-araw na maaaring umapela sa desisyon.
Sa kabila nito, nanindigan si Leachon na hindi magpapa-distract sa isyu lalo na at ang Dengvaxia cases ay nakabinbin na sa korte matapos ang ilang taong pagkakabinbin dahil kailangan din ng pamilya ng mga biktima ng hustisya.
- Latest


















