^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Komedya ng mga maleta

Pilipino Star Ngayon

“Matatawa ka na lang.” Ito ang tumpak na paglalarawan ni Sen. Erwin Tulfo sa sarswelang itinanghal sa Senado nitong June 4. Sa likod ng nakakatawang pagkakabuhul-buhol ng kuwento ng 18 “ex-Marines,” nakababahala ang tahasang paggamit sa Ma­taas na Kapulungan bilang pabrika ng kasinungalingan. Ang pagdinig na ipinilit ng minorya ay hindi ginawa in aid of legislation, kundi malinaw na in aid of demolition.

Bilang isang demolition job, napakababa ng kalidad ng kanilang script. Sa ilalim ng panunumpa, gumuho ang testimonya ng mga umano’y bagmen. Iginiit ng isang testigo na naghatid siya ng maleta ng pera kay Sen. Tito Sotto sa pagitan ng 2022 hanggang 2025, at tinanggap ito ng assistant nitong si “Mark.” Ang problema: hindi senador si Sotto sa mga panahong iyon, at ang assistant na si Mark ay pumanaw na noong 2015 pa. Pinaratangan din nila ang paring si Fr. Flaviano Villanueva na tumanggap ng suhol sa labas ng kanyang simbahan sa Mindanao Avenue, gayong ki­num­pirma ng Kalinga Foundation na walang anumang SVD parish na nakatayo sa nasabing lugar.

Ang pinakamalaking patunay na bogus sa pagdinig ay ang selective amnesia ng mga ex-Marines. Sa kanilang orihinal na affidavit, idinawit nila sina Sen. Loren Legarda at Sen. Mark Villar sa mga tumanggap ng maleta. Ngunit sa mismong live hearing na pinamunuan ni Sen. Pia Cayetano, mahiwagang nakalimutan silang banggitin dahil ang dalawang senador ay kabilang sa pangkat na nag-organisa ng mismong pagdinig.

Walang kinalaman sa anumang flood control anomaly ang sarswelang ito. Ibinunyag ni Palawan Rep. Jose Alvarez na isinama lamang siya sa listahan nang tanggihan niya na i-endorso ang impeachment complaint laban sa Pangulo. Ang malinaw na layunin ng lahat ng ito ay lumikha ng isang maingay na diversion tactic upang ilihis ang atensyon ng taumbayan mula sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa July 6.

Ang Senado ay hindi dapat ginagawang tanghalan ng mga pekeng testigo para lamang protektahan ang mga kaalyado sa pulitika. Sa isinampang patung-patong na kasong cyberlibel at perjury, malapit nang matutunan ng mga testigong ito na ang mga kasinungali­ngang itinanghal sa isang huwad na pagdinig ay may katapat na rehas sa isang tunay na korte.

ERWIN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with