June 3 Senate session ideklarang ‘legally valid’

HS teacher humiling sa SC
MANILA, Philippines — Isang high school teacher ang dumulog kahapon sa Korte Suprema upang hilingin na ideklarang legal at binding ang sesyon ng Senado noong Hunyo 3, 2026, kung saan idineklarang bakante ang lahat ng puwesto at itinalaga si Sen. Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore.
Sa kanyang 20-pahinang petisyon, iginiit ni Barry Tayam na repasuhin ng SC ang mga aksiyon nina Sen. Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, at Loren Legarda dahil sa umano’y grave abuse of discretion.
Ayon kay Tayam, ang pagtanggi ng mga Cayetano at Legarda na kilalanin ang bagong pamunuan ay nagdudulot ng matinding institutional crisis na may direktang implikasyon sa mandato ng Konstitusyon.
Binigyang-diin niya na kailangan ng agarang desisyon ng SC upang maiwasang maparalisa ang Senado at pagkakaroon ng dalawang magkalabang pamunuan.
Kabilang sa kanyang kahilingan ang pagtanggap ng SC na ang pisikal na presensya ng 12 senador noong Hunyo 3 ay bumubuo ng constitutional quorum, at ang lahat ng aksiyon sa sesyon—mula sa vacancy declarations hanggang leadership elections at committee reorganizations—ay dapat kilalaning ganap na legal at valid.
- Latest





















