El Niño aabot sa Disyembre

Publiko pinagtitipid ng tubig…
MANILA, Philippines — Nagpaalala ang National Water Resources Board (NWRB) sa publiko na magtipid sa paggamit ng tubig dahil mas mababa na sa minimum operating level ang Angat Dam—ang pangunahing pinagkukunan ng tubig sa Metro Manila.
Sinabi ni NWRB Executive Director Sevillo David Jr. na bumagsak na sa 173.4 meter ang water level ng Angat na mas mababa sa 180-meter minimum operating level.
Ayon kay Sevillo, nagsimula na silang magpatupad ng contingency measures matapos maglabas ang PAGASA ng El Niño advisory na posibleng tumagal hanggang Disyembre o unang bahagi ng 2027.
“Pino-promote natin ang rainwater harvesting, pati na ang pag-recycle ng tubig mula sa paghuhugas ng gulay na maaari pang gamitin sa pandilig ng halaman,” ani David.
Noong Mayo 24, iniulat ng PAGASA na nakararanas ng tagtuyot ang MM at 25 probinsya sa Luzon. Ang tagtuyot ay nangyayari kapag bumaba ng 60% ang average rainfall sa loob ng tatlong magkasunod na buwan.
Bagama’t inaasahan ang ilang pag-ulan at thunderstorm sa mga susunod na linggo, nagbabala ang PAGASA na mas matindi pa ang epekto ng El Niño pagsapit ng kalagitnaan ng 2026.
Nabatid na 90%-97% ng suplay ng potable water sa Metro Manila ay nagmumula sa Angat Dam kaya binabawasan ng NWRB ang alokasyon ng raw water sa mga concessionaire upang iprayoridad ang konsumo sa households.
Umaasa ang NWRB na sapat ang suplay na ito upang matugunan ang pangangailangan ng mga residente sa Metro Manila.
Nananawagan din ang NWRB sa publiko na magtipid ng tubig, mag-imbak ng ulan, at maghanap ng paraan upang muling magamit ang tubig sa pang-araw-araw na gawain.
- Latest
















