Pairalin hustisya sa Sara impeachment trial

Simbahan sa Senado…
MANILA, Philippines — Nanawagan ang mga Obispo ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) sa Senado na tuparin ang kanilang tungkuling konstitusyonal nang may integridad, pagiging patas, at moral na katatagan kaugnay sa impeachment complaint laban kay Sara Duterte.
Sa pahayag ng grupo na may pamagat na “Stand Firm for Truth, Justice, and Accountability,” sinabi ng UCCP Council of Bishops na dapat manaig ang Senado laban sa partisanong interes at mga alyansang pampulitika, sapagkat ang impeachment ay usapin ng pananagutan sa publiko at pangangalaga sa mga demokratikong institusyon.
“The Council of Bishops of the United Church of Christ in the Philippines (UCCP) calls upon the Philippine Senate to faithfully uphold its constitutional mandate with integrity, impartiality, and moral courage,” nakasaad sa statement.
Dagdag pa ng mga obispo, ang Senado bilang impeachment court ay dapat kumilos nang may kasarinlan, katarungan, at katapatan sa katotohanan.
Binigyang-diin din ng UCCP na ang kapangyarihan sa pamahalaan ay dapat gamitin nang may pagpapakumbaba, integridad, at pananagutan, lalo na para sa mahihirap at mga naaapi.
Giit pa ng mga Obispo na ang constitutional process tulad ng impeachment at mga lehitimong pandaigdigang mekanismo ng batas ay hindi dapat gawing “political theater” kundi mga mahahalagang kasangkapan sa paghahanap ng katotohanan at hustisya.
Nanawagan din ang grupo sa mga senador na labanan ang political pressure, padrino system at personal na katapatan na sumisira sa tiwala ng publiko at sa tuntunin ng batas.
Iginiit din ng UCCP na hindi dapat maging mapili ang pananagutan sa hustisya at muli nilang binigyang-diin ang panawagan para sa pananagutan kaugnay ng libu-libong namatay sa kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon para sa mga biktima at kanilang pamilya.
- Latest



















