PANOORIN: Torre, sasama ba sa 'manhunt' vs Bato dela Rosa?
MANILA, Philippines — Nang tanungin kung sakaling tatanggapin niya ang isang special assignment mula kay Pangulong Bongbong Marcos para tumulong sa paghahanap kay Sen. Bato dela Rosa, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III na “automatic no choice” ang pagtanggap niya rito.
"'Pag presidente nag-utos niyan, automatic no choice, 'di ba?" ani Torre sa Kapihan sa Manila Hotel ngayong Biyernes, May 22.
Pero giit ni Torre, “institutional” ang usapin at tungkol ito sa sistema at mga proseso, hindi personal, at aniya, ang dapat protektahan ay ang “interes ng bansa.”
Pabiro ring sinabi ni Torre na maaaring tumulong ang MMDA sa "manhunt" laban sa senador sa mga sakop nitong lugar.
“Part pa rin naman ako ng gobyerno. Kaya in terms of manhunt, pwede talaga kami sumali. Binabantayan namin. Malay mo nagtago sa landfill, nagtago sa estero, nagtago sa kalsada. Ayan pwede niyo kami maasahan diyan,” aniya.
Sinabi ng International Criminal Court (ICC) sa arrest warrant nito na may pananagutan umano si Dela Rosa bilang isang indirect co-perpetrator para sa mga krimeng nagawa sa pagitan ng July 2016 hanggang April 2018, kung saan hindi bababa sa 32 katao ang pinatay.
Kilala si Torre sa pangunguna sa pag-aresto kina dating Pangulong Rodrigo Duterte — na kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC — at doomsday preacher Apollo Quiboloy.
- Latest























