70-75-anyos bigyan ng ayuda - de Lima
MANILA, Philippines — Isinulong sa Kamara ang panukalang batas na isama sa cash benefits ang mga Pinoy na edad 70-75 anyos.
Inihain ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima ang House Bill 9180 na naglalayong amyendahan ang Republic Act 11982 na una nang nag-amyenda sa RA 10868 o ang Centenarians Act of 2016 na naglalayong palawigin ang benefit coverage mula 70-anyos hanggang 100 taong gulang.
Layon ng panukala na kilalanin ang mga senior citizens sa pamamagitan ng pagbibigay ng insentibong cash sa mga ito at pinansiyal na suporta na kanilang kailangan lalo na at nagkakaroon na ng kumplikasyon sa kalusugan habang tumatanda.
Kung magpatibay ito, ang lahat ng mga Pilipino nakatira man sa Pilipinas o sa ibang bansa na edad 70-anyos ay makakatanggap ng cash gifts na P25,000. Pagsapit ng 80-anyos ay P50,000 at 90-anyos ay P75,000.
Ang mga Pinoy na naninirahan sa Pilipinas at ibang bansa kapag sumapit na sa edad na 75, 85 at 95 ay makakatanggap ng cash gifts na P10,000.
Ang RA 10868 na pinagtibay noong Hunyo 23, 2016 na nagkakaloob sa mga Pinoy na nasa 100 taon ng P100,000 bilang pagkilala sa mga centenarian.
- Latest























