Kumilos agad sa VP Sara impeachment trial

Simbahan sa Senado
MANILA, Philippines — Nanawagan ang dalawang prominenteng religious congregation sa bansa na agad gampanan ng Senado ang kanilang constitutional duty sa pamamagitan ng pag-convene bilang impeachment court upang simulan ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
Sa magkahiwalay na pahayag ng Iglesia Filipina Independiente (IFI) at Episcopal Church of the Philippines (ECP), iginiit ng mga lider ng simbahan na dapat isagawa ang impeachment proceedings sa paraang transparent, truthful, at impartial, malaya sa anumang political maneuvering o deliberate obstruction.
Binanggit ng IFI, sa pamumuno ni Obispo Maximo Joel Porlares, ang pangamba ng publiko sa biglaang pagpapalit ng liderato ng Senado at sa muling paglitaw ni Sen. Ronald Dela Rosa matapos ang anim na buwang pagkawala, kasabay ng pagboto ng Kamara para sa impeachment. Ayon kay Porlares, tila nagiging hadlang ang Senado sa proseso habang pinoprotektahan ang kapwa senador na may posibleng pananagutan.
Sinabi naman ni Prime Bishop Nestor Poltic ng ECP na ang Senado ay hindi dapat maging kanlungan ng personalidad o alyansa, kundi tagapagtanggol ng katotohanan, hustisya, at rule of law. Aniya, kapag ang mga institusyong may tungkulin sa pananagutan ay nagiging hadlang dito, nawawala ang moral na kredibilidad ng pamamahala.
Hinikayat ng dalawang simbahan ang kanilang mga miyembro at ang sambayanang Pilipino na manatiling mapagbantay at mapanalangin sa gitna ng umiiral na kawalang-katiyakan sa pulitika, at manindigan para sa katotohanan at katarungan habang tinatanggihan ang mga hakbang na nagdudulot ng pagkakahati-hati at nagpapahina sa mga institusyon.
- Latest


















