Zubiri, Ejercito binatikos sa ‘abstain’ vote sa Senate leadership change

MANILA, Philippines — Umani ng matinding batikos sina Juan Miguel Zubiri at JV Ejercito matapos silang mag-abstain sa botohan para sa bagong liderato ng Senate of the Philippines noong Lunes, kasabay ng usap-usapang may umano’y “hidden agenda” sa likod ng kanilang hakbang.
Naging sentro ng diskusyon ang dalawang senador matapos ang sorpresang rigodon sa Senado kung saan pinalitan ni Senador Alan Peter Cayetano si dating Senate President na si Senador Vicente Sotto III sa botong 13-9-2.
Labintatlong senador ang bumoto pabor kay Cayetano, siyam naman ang kumampi kay Sotto, habang sina Zubiri at Ejercito ang dalawang nag-abstain—na kalaunan ay iniuugnay sa tinatawag na “third bloc.”
Marami ang nagtaka kung bakit pinili ng dalawa na huwag pumabor sa alinmang kampo gayong kapwa sila kabilang sa dating mayorya sa ilalim ng liderato ni Sotto. Si Zubiri ay dating Senate Majority Leader habang si Ejercito naman ay Deputy Majority Leader.
Para sa ilang political observers at netizens, ang naging hakbang ng dalawa ay nagpapakita umano ng pagiging “safe” at pag-iwas na masangkot sa posibleng pagkatalo ng alinmang panig.
Bumuhos din ang kritisismo sa social media platforms gaya ng X at Reddit, kung saan marami ang nagsabing tila mas pinili umano ng dalawang senador ang “political survival” kaysa malinaw na paninindigan.
May ilang netizen pang naglarawan sa tinatawag na “third bloc” bilang isang kalkuladong estratehiya para umano sa 2028 elections upang mapanatili ang magandang relasyon sa magkabilang kampo sa Senado.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag sina Zubiri at Ejercito hinggil sa mga alegasyon ng umano’y “hidden agenda” sa kanilang abstention vote.
- Latest






















