Aplasca ‘trigger-happy, pinagre-resign ni de Lima
MANILA, Philippines — Resign!
Ito ang mariing panawagan ni Leila de Lima ng Mamamayang Liberal (ML) Partylist laban kay Senate Sgt.-at-Arms Chief ret. P/Maj. Gen. Mao Aplasca, na tinawag niyang “trigger-happy”.
Pinatawan si Aplasca ng anim na buwang preventive suspension ng Office of the Ombudsman matapos ang insidente ng pamamaril sa loob ng Senate compound noong Mayo 13 ng gabi, habang naroon si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
“Dapat mag-resign o tanggalin na sa puwesto yang trigger-happy na Senate Sgt.-at-Arms na ’yan. He knows or ought to know na bawal ang warning shots sa rules of engagement. Inilagay niya sa peligro ang buhay ng maraming sibilyan,” ani de Lima.
Ayon kay Aplasca, nagpaputok siya ng baril bilang warning shot sa gitna ng tensiyon at standoff sa Senado, sanhi ng pagtatago ni dela Rosa. Ngunit iginiit ni de Lima na ang pagpapaputok ng baril sa loob ng gusali ng Senado ay malinaw na paglabag sa command responsibility at security judgment ng institusyon.
Dagdag pa niya, walang puwang sa Senado o anumang ahensiya ng gobyerno ang mga opisyal na “trigger-happy.” Lumabas pa ang hinala na ang insidente ay scripted upang makatakas si dela Rosa, na noong madaling araw ng Huwebes ay nakalabas sa Senado kasama si Sen. Robin Padilla.
- Latest

















