Agarang paglilinis ng NAPOLCOM, PNP sa mga tauhan inalmahan
MANILA, Philippines — Umalma ang pamunuan ng Coliseo de Manila sa agarang paglilinis sa umano’y kapalpakan ng mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group na sumalakay sa kanilang cockpit arena sa Vitas sa Tondo, Manila ng walang kaukulang warrant at umabuso pa sa kanilang kapangyarihan.
Ayon sa Coliseo de Manila, ang summary dismissal ng National Police Commission (NAPOLCOM) sa administratibong reklamo laban sa CIDG at ang press conference na isinagawa nito upang ipagtanggol at purihin ang mga pulis, ay isang seryosong paglihis sa tungkulin ng isang sibilyang institusyon na maglingkod at protektahan ang publiko laban sa maling gawain ng kapulisan.
Mariing sinalungat ng Coliseo de Manila ang anumang pahiwatig na ang reklamo ay walang basehan, mapanira, o layong pahinain ang lehitimong operasyon ng pulisya.
Ang reklamo ay inihain bilang isang bona fide na panawagan upang itama sa antas administratibo ang mga umano’y pang-aabuso ng CIDG sa isinagawang entrapment operation at sa pagpapasara ng isang lehitimong negosyo nang higit 20 araw kahit walang bisa at umiiral na cyber warrant.
Dalawang ulit nang tinanggihan ng Regional Trial Court ng Makati ang aplikasyon ng CIDG para sa naturang warrant.
Sa kabila ng malawak na ebidensiya at mga paglabag na inilahad, mabilis na naglabas ang NAPOLCOM ng dalawang-pahinang Resolusyon noong 29 Abril 2026, 16 na araw lamang mula nang ihain ang reklamo, na nagdi-dismiss umano dahil sa kakulangan ng probable cause.
Bukod pa rito, mariing tinututulan ng Coliseo de Manila ang naunang pahayag ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño na ang pulis na sangkot ay kumuha lamang ng bet ticket bilang ebidensiya ng umano’y online sabong operations, at hindi kumuha ng pera mula sa teller sa panahon ng raid.
Ayon pa kay Brig. Gen. Tuaño, matapos makuha ang bet slip, nagbigay umano ng senyas ang naturang pulis upang simulan ang raid.
- Latest



















