Zaldy Co malabong maging state witness - Lacson

MANILA, Philippines — Naniniwala si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na malabong maging state witness si dating Ako Bicol party list Rep. Zaldy Co sa anomalya sa flood control projects.
Ito ay dahil itinuturing ang dating kongresista na siya aniyang “architect” sa flood control scandal.
Sa isang panayam sa radyo kay Lacson, isa aniya sa requirement para maging state witness ay dapat “least guilty” o hindi pinaka may sala na posibleng hindi matugunan ni Co.
Kung tatanggapin naman aniyang state witness si Co ay talagang sasabog at maraming madadamay. Kung pag-aaralan ang partisipasyon ng dating kongresista ay marami ang naniniwala na siya ang arkitekto ng bilyun-bilyong insertions.
Bukod dito, marami na rin aniyang testigo sa naturang kaso tulad nina dating DPWH Undersecretary Roberto Bernado at dating district Engineer Henry Alcanta.
“Sa tingin ko yung kanyang katayuan ngayon medyo masikip. Maraming requirements para mag qualify ka bilang state witness,” giit pa ni Lacson.
Sa kabila nito, titingnan pa rin aniya ng Senador kung ano ang mangyayari pagdating dito sa bansa ni Co na kasalukuyang nasa Prague, Czech Republic matapos na maaresto nitong Huwebes ng hapon, oras dito sa Pilipinas.
- Latest



















