Presyo sa mga gas station mataas pa rin
Kahit bumaba na langis sa world market
MANILA, Philippines — Nanawagan si Rep. Alfredo A. Garbin, Jr., miyembro ng House Committee on Energy, ng agarang pagrepaso sa presyo ng produktong petrolyo kasunod ng pagbaba na nito sa pandaigdigang presyo ng langis pero mabagal ang rollback sa presyo nito sa bansa.
Ayon kay Garbin, ang Dubai crude oil, na isa sa mga pangunahing benchmark ng inaangkat na langis ng Pilipinas, ay bumagsak ng mahigit 18% sa loob lamang ng ilang araw, mula $128.52 kada bariles noong Marso 31 patungong humigit-kumulang $105 sa unang bahagi ng Abril, batay sa global market data.
“Ang ganitong kalaking pagbaba sa global benchmark ay malinaw na indikasyon na may puwang na para sa rollback. Hindi puwedeng mabilis ang taas ng presyo pero mabagal naman ang pagbaba nito sa Pilipinas,” saad ni Garbin.
Binigyang-diin ng solon na bagama’t may iba pang pinagbabatayan sa pagpepresyo ng produktong petrolyo tulad ng exchange rate at presyo ng refined products, hindi dapat ipagwalang-bahala ang malinaw na pagbaba sa pandaigdigang presyo ng krudo.
“Kung ginagamit ang galaw ng pandaigdigang merkado bilang dahilan sa pagtaas, dapat ganoon din kabilis ang pag-aksyon kapag may pagbaba. Sa development na ito, dapat may asahang rollback ang publiko,” dagdag pa ni Garbin.
Samantalang hinimok din ni Garbin ang Department of Energy (DOE) at ang mga oil companies na magsagawa ng transparent na pagsusuri sa kasalukuyang presyo at tiyaking agad na mararamdaman ng publiko ang anumang benepisyo mula sa pagbaba ng global oil prices.
“Kung sakaling hindi agad maipapatupad ang rollback, kailangang ipaliwanag ito nang malinaw sa publiko,” punto pa ni Garbin.
- Latest


















