Pangulong Marcos nagdeklara ng State of National Energy Emergency

MANILA, Philippines — Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang state of national energy emergency dahil sa tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan dulot ng giyera sa pagitan ng US-Israel at Iran.
Sa Executive Order (EO) No. 110 na nilagdaan ng Pangulo, nakasaad dito ang pagdedeklara ng State of National Energy Emergency and Adopting the Unified Package for Livelihood, Industry, Food and Transport (UPLIFT).
Nakasaad sa EO na ang mga kaguluhang ito ay nagdudulot ng matinding epekto sa pandaigdigang merkado ng langis at dahil mahalaga ang rehiyong ito sa produksyon at transportasyon ng langis, nagkakaroon ng kawalan at katiyakan sa suplay, pagkaantala ng supply chain at patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa buong mundo na nagbabanta sa seguridad sa enerhiya ng Pilipinas.
Bukod pa rito ang pagsasara ng Strait of Hormuz, na pangunahing daanan ng pandaigdigang suplay ng langis kaya naapektuhan ang suplay ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Maaari rin itong magdulot ng kakulangan at hindi matatag na suplay ng enerhiya sa bansa kaya maaaring maapektuhan ang sapat at pangangailangan sa pang araw-araw na operasyon ng ekonomiya ng bansa.
Kasabay nito, inaprubahan din ang isang “unified package” na naglalayong tumulong sa mga sektor ng kabuhayan, industriya, pagkain at transportasyon para maibsan ang epekto ng krisis sa enerihiya sa bansa.
Habang ang UPLIFT Committee naman ay magko-convene para pamahalaan at i-coordinate ang implementasyon ng UPLIFT.
Magsisilbing chairman ng UPLIFT Committee si Pangulong Marcos, at miyembro ang mga kalihim ng Department of Energy, DOTr, DSWD, DA, DOF DEPDEV at DBM.
- Latest


















