Pinas nasa krisis na - senators
MANILA, Philippines — Naniniwala ang ilang senador na nasa krisis na ang Pilipinas dahil sa patuloy na gulo sa Middle East na naging dahilan para sunud-sunod na tumaas ang presyo ng langis.
Ginawa ng ilang senador ang pahayag matapos mistulang balewalain ng Malacañang ang sitwasyon at posibilidad na magkaroon ng krisis sa langis dahil sapat pa umano ang suplay.
Sa pagdinig ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT), sinabi ni Sen. Loren Legarda na dapat matukoy kung gaano karami ang magagamit sa ilalim ng pambansang badyet na maaaring magamit upang matugunan ang krisis.
Aniya, hangga’t hindi inaamin ng gobyerno na nasa krisis na ang bansa ay hindi kikilos ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno upang tulungan ang mga mamamayan.
‘Wag na tayo lost in translation or nagmamaang-maangan na may krisis. Until we define it as a crisis, we will not act in record time to save our people. So, each agency represented here must act as if we’re in a crisis because we are in a crisis,” sabi ni Legarda.
Muling iginiit naman ni Sen. Bam Aquino ang kanyang panawagan na magdeklara ng state of national emergency dahil halos isang buwan nang nasa krisis ang bansa. Kailangan aniya ng pamahalaan ng mas malawak na kapangyarihan upang agad-agad na matugunan ang krisis sa langis.
Maging si Sen. JV Ejercito ay naniniwala na nasa krisis na ang bansa dahil “hindi na normal” ang sitwasyon.
- Latest

















