^

Bansa

Muntinlupa Scholarship Program, tulay ng daanlibong estudyante sa edukasyon

Pilipino Star Ngayon
Muntinlupa Scholarship Program, tulay ng daanlibong estudyante sa edukasyon
Isa si Jeslyn sa 110,508 iskolar nitong 2025 sa ilalim ng programa ng Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa na pinamumunuan ngayon ni Mayor Ruffy Biazon. Ang naturang bilang ang pinakamataas sa kasaysayan at umiiral sa siyudad sa loob na ng apat na dekada.
STAR / File

MANILA, Philippines — Nitong Pebrero 11, 2026, umakyat sa entablado si Jeslyn Balingue at tinanghal na Magna Cum Laude. Tinanggap din ni Jeslyn ang P20,000, ang huling bahagi ng tulong mula sa Muntinlupa Scholarship Division na nag-umpisang umayuda kay Jeslyn mula pa noong siya’y nasa Grade 5.

Isa si Jeslyn sa 110,508 iskolar nitong 2025 sa ilalim ng programa ng Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa na pinamumunuan ngayon ni Mayor Ruffy Biazon. Ang naturang bilang ang pinakamataas sa kasaysayan at umiiral sa siyudad sa loob na ng apat na dekada.

“Beneficiary na’ko ng Muntinlupa Scholarship Program mula pa noong Grade 5,” ani Jeslyn. “Nagagamit ko yung scholarship ‘di lang pampamasahe at pambaon, pati ambag ko sa daily expenses ng family, lalo kapag kapos kami sa pera,” dagdag niya.

Edukasyon ang Prayoridad

Kabilang ang Muntinlupa sa may pinakamataas na proporsyon ng pondong inilalaan sa scholarship sa National Capital Region. Sa ilalim ni Mayor Biazon, umabot sa P587.8 milyon ang inilaan sa educational assistance noong 2025, o humigit-kumulang 7 porsiyento ng P8.8 bilyon na taunang badyet ng lungsod.

Mahigit 94,000 K-to-12 learners, lampas 12,000 college students sa pampubliko at pribadong paaralan, at halos 5,000 postgraduate scholars at mag-aaral na may espesyal na pangangailangan ang nakikinabang dito. Malinaw na ang direksiyon ng polisiya na ang edukasyon ay hindi lamang pandagdag-serbisyo, kundi pagtutok sa human capital.

Apat na Dekadang Serbisyo

Sa kabila ng pagpapalit-palit ng namumuno sa Muntinlupa, nanatili ang programa sa apat na dekada na. Nagsimula noong 1989 sa ilalim ni dating alkalde at ngayon ay kongresista Jaime Fresnedi na may 5,000 iskolar lamang, ang programa ay hindi kailanman binuwag at sa halip ay pinahusay pa.

Sa kasalukuyang administrasyon, umangat pa ito mula sa simpleng tulong, ngayon ay pinadali sa pamamagitan ng online application, pinataas ang halaga ng allowance sa mga estudyante, at pinalaki rin ang mga gantimpala para sa mga makakakuha ng Latin Honors at mga board exam topnotchers, para sa kanilang kahusayan at pagpupursige.

Iba Pang Programa sa Edukasyon

Isang mahalagang hakbang sa istratehiya sa edukasyon ang pag-angat ng Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa (PLMun) mula sa pagiging polytechnic tungo sa ganap na unibersidad, kabilang ang pagbuo ng PLMun–Ospital ng Muntinlupa College of Medicine apat na taon na ang nakalipas. Ngayong taon, nakatakdang magtapos ang unang batch ng mag-aaral na karamihan ay mga iskolar, upang magbigay ng ambag nila sa sektor ng kalusugan ng bansa.

Kaakibat din ang “Libreng Balik-Eskwela” na taun-taong nagbibigay ng libreng school supplies, sapatos at bag sa halos 100,000 mag-aaral sa pampublikong paaralan. Pagtanggal sa mga “hidden costs” at pagsalo sa paulit-ulit na gastusin, nabuo ang isang educational ecosystem na nagbibigay ng pantay na oportunidad sa edukasyon sa bawat bata sa siyudad.

Mula 5,000 iskolar noon hanggang higit 110,000 ngayon, malinaw ang iisang vision sa Muntinlupa. Para kay Jeslyn, naging konkretong landas ito sa kaniyang pagtatapos at patunay na kapag ang suporta ay institusyonal at tuluy-tuloy, may lakas ng loob ang kabataan na humakbang palabas ng silid-aralan at salubungin ang oportunidad at hamon sa kanilang landas.

SCHOLARSHIP

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with