‘Wag mag-panic buying’

Supermarket group: Para ‘di kapusin supply
MANILA, Philippines — Nanawagan ang grupo ng mga supermarket sa publiko na iwasang mag-panic buying para hindi magdulot ng kakulangan sa suplay at posibleng pagtaas sa presyo ng bilihin.
“Kapag gumalaw ang presyo ng krudo, in any country, I guess, and you import the way we do, talagang gagalaw ang presyo ng lahat na bilihin. Labor, electricity, fuel, kapag gumalaw ‘yan, galaw lahat ng presyo ‘yan, sigurado,” sabi ni Steven Cua, presidente ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association Inc..
Ayon kay Cua, dapat planuhin ng mga mamimili ang kanilang pagbili, huwag bumili ng sobra sa pangangailangan at sundin ang tamang schedule ng pamimili upang maiwasan ang abala sa merkado at mapanatili ang maayos na daloy ng suplay.
“If you want to buy, maybe buy 15% more than what you normally do. You want to be on the safe side pero don’t buy more. Twenty percent or up to 50%, don’t buy it up to that kasi hindi naman kailangan. Kaya para we give time for the production people to come up with more stocks,” sabi ni Cua.
Binigyang diin ni Cua na wala pa namang pahayag ang manufacturers hinggil sa pagtaas ng presyo ng bilihin kayat dapat lahat ay relax lamang muna.
Hindi pa aniya mararamdaman ng mga mamimili ang impact dahil ang mga retailers at suppliers ay mayroon pang natitirang stocks bago sumiklab ang gulo sa Middle East.
Sa kasalukuyan ay may humigit-kumulang 50 araw pa na supply ng langis ang Pilipinas. Pero nagbabala si Cua na maaring maapektuhan ang supply chain kung magmamadali ang publiko sa pagbili ng gasolina o pag-iimbak ng mga bilihin dahil matagal dumating ang mga bagong shipment.
Posible aniyang mauuna na maubusan ng suplay ang mga probinsiya dahil malayo at malaki ang gagastusin sa petrolyo para makarating doon ang mga produkto.
May nakarating ding ulat sa kanya na may ibang mga retailers ang nagsimulang limitahan ang dami ng bilang ng kanilang mga items na naka-display para maiwasan ang hoarding.
- Latest

















