Madriaga pahaharapin sa VP Sara impeachment
MANILA, Philippines — Makikipag-ugnayan ang Kamara sa hukuman at sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang matiyak ang kaligtasan at posibleng pagdalo ng nakakulong na testigong si Ramil Madriaga sa mga pagdinig kaugnay ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Nilinaw ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, chairman ng House Committee on Public Accounts at miyembro ng Committee on Justice, na nasa hurisdiksiyon ng hukuman si Madriaga at ang korte ang may pananagutang tiyakin ang kanyang seguridad, kasama ang pasilidad ng BJMP sa Taguig City kung saan siya kasalukuyang nakakulong.
“Sa tingin ko, kailangang makipag-ugnayan ng Kongreso sa hukuman at sa BJMP upang masiguro ang kaligtasan ni Ginoong Madriaga at upang makadalo siya sa mga pagdinig ng Kamara kung siya ay iimbitahan,” ani Ridon.
Si Madriaga, na inilarawan sa mga reklamong impeachment bilang umano’y “bagman” ng Bise Presidente, ay nakakulong sa pasilidad ng BJMP kaugnay ng hiwalay na kasong kriminal na nakabinbin sa isang trial court.
Ayon sa mga nagrereklamo, nakasaad sa affidavit na nagsilbing tagapamagitan si Madriaga sa umano’y paghawak at paglipat ng confidential at intelligence funds na inilaan sa Office of the Vice President at sa DepEd noong kalihim pa nito si Duterte.
Nakadetalye rin dito kung paano winithdraw o inilipat ang ilang pondo, ang mga pangalan ng mga taong umano’y sangkot, at mga dokumentong sinasabing magpapatunay na isinagawa ang mga transaksiyon ng may kaalaman o pahintulot ng Pangalawang Pangulo.
Sinabi ni Ridon na ang affidavit ni Madriaga ang pinakamahalagang bagong pangyayari sa kasalukuyang kaso ng impeachment kaya kailangan itong suriing mabuti.
Gayunman, binigyang-diin ni Ridon na hindi pa maaaring ipatawag si Madriaga upang tumestigo hangga’t hindi muna natutukoy ng Committee on Justice ang sufficiency in form at substance ng reklamo bago magsimula ang mga ganap na pagdinig.
- Latest



















