Lee, 4 pa abswelto sa ‘ghost borrowers’ housing loan
MANILA, Philippines — Ibinasura ng San Fernando, Pampanga Regional Trial Court (RTC) ang kasong estafa laban sa founder ng Globe Asiatique (GA) na si Delfin Lee at apat pang kapwa akusado sa akusasyon paggamit ng “ghost borrowers” sa housing loans mula sa Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG.
Sa 100-pahinang resolusyon, inaprubahan ng RTC Branch 42 ang demurrer to evidence na isinumite ni Lee, kanyang anak at GA executive vice president na si Dexter Lee; Christina Sagun, head ng GA documentation department; Cristina Salagan, head ng accounting at finance ng GA; at Atty. Alex Alvarez, abogado ng Pag-IBIG na namuno sa foreclosure department.
“The prosecution failed to establish the elements of the crime of estafa under Article 315 (2)(a) of the RPC, or any lesser offense necessarily included therein, which warrants the dismissal of this criminal action on demurrer,” ani Presiding Judge Joel Bantasan.
Ang demurrer to evidence ay mosyon ng akusado na ibasura ang kaso matapos maghain ng ebidensya ang prosekusyon. Kapag inaprubahan, itinuturing na itong acquittal.
Taong 2011 nang magsampa ng kasong syndicated estafa ang Department of Justice (DOJ) laban sa mga akusado bunsod ng umano’y paggamit ng “ghost borrowers” para makakuha ng P6.6 bilyon na loan mula sa Pag-IBIG para sa mga housing projects ng GA sa Bacolor at Mabalacat, Pampanga, mula 2008 hanggang 2011.
Noong 2018, ibinaba ng Supreme Court ang kaso sa simple estafa at ibinalik sa RTC.
Sa muling pagsusuri, sinabi ng korte na walang sapat na ebidensya na ilegal na nakuha ng mga akusado ang pondo.
Ayon kay Atty. Rony Garay, abogado ni Lee, bunsod ng utos ay hindi na maaaring maihabla pa sa parehong kaso ang mga akusado dahil sa umiiral na double jeopardy rule.
- Latest


















