Affidavit ng 18 ex-Marines inilantad

MANILA, Philippines — Naghain ng referral complaints kahapon sa Office of the Ombudsman si Atty. Levito Baligod, ang abogado ng 18 ex-Marines at sundalo na umano’y nagsilbing bagman at security aide ni dating congressman Zaldy Co na nagdala umano ng bilyong halaga sa higit 30 opisyal ng gobyerno at pulitiko.
Sa 36-pahinang affidavit, hinihiling ni Baligod sa Ombudsman na imbestigahan ang mga paratang na posibleng paglabag ito sa mga batas tulad ng R.A. No. 3019 o ang Anti-Graft Law at RA 6713 o Ethical Standard for Government Officials and Employees.
Nakasaad sa affidavit ng 18 mga dating Marines at sundalo na empleyado ni Co ang umano’y nagdeliber ng male-maletang pera na umaabot sa P805-bilyong halaga.
Sa sinumpaang salaysay ng mga complainant, ang bultong pera ay kadalasang umano’y nasa maleta, paper bags, o expandable envelopes at inihahatid sa mga bahay, opisina, at iba pang pribadong lugar.
Nakasaad dito na may pitong mga senador at mga dating kongresista ang kabilang sa umano’y tumanggap ng mga pera.
Binanggit din dito ang paghahatid ng pera sa bahay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Marcos.
Maging ang pangalan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ay nadawit sa usapin dahil sa bahay daw niya isinagawa ang pinondohang pagpupulong ng ICC o International Criminal Court officers na dumating noon sa bansa.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Asst. Ombudsman Mico Clavano na hindi pa maituturing na isang verified complaint ang inihaing affidavit para magbukas ng formal proceedings.
Ayon kay Clavano, ang paghahain ni Baligod ng affidavit ay maituturing pa lang na transmittal of affidavit at dadaan pa rin ang mga dokumentong ito sa standard evaluation process kabilang ang pagdetermina sa sufficiency in form and substance, jurisdiction, at ang pagkakaroon ng prima facie basis ng mga alegasyon.
Hindi lang umano ang mga nilalaman ng mga alegasyon ang sasailalim sa assessment kundi maging ang kredibilidad ng mga nag-aakusa.
Giniit ni Clavano, dahil sa napakarami ng mga personalidad na isinasangkot sa alegasyon at dahil itinaon ang paglalabas ng reklamo sa gitna ng maiinit na pampulitikang isyu, hindi umano papayag ang Ombudsman na magamit ito bilang isang political arena.
- Latest























