Prosecution team naghahanda na sa mismong trial ni Duterte
MANILA, Philippines — Hindi pa man nakakapagprisinta ang depensa sa Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court, naghahanda na ang prosecution team para sa mismong trial ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ulat ng GMA Integrated News, sinabi ni ICC-accredited assistant to counsel Atty. Kristina Conti na nakatitiyak sila na makukumpirma ang mga kasong nakahain laban kay Duterte.
“Lumalabas na matibay ang prosecution. Kung anu’t ano pa man, naghahanda na po kami sa trial dahil dito sa confirmation of charges, confident kami na matutuloy na ito. Ang ating stage ngayon ay confirmation of charges hearing, ang ating hinahanap ay substantial evidence – that there exists. Klaro na nakita natin na may basehan,” sabi ni Conti.
Ngayong araw, Huwebes, nakatakdang ipagpatuloy ang confirmation of charges hearing kung saan ang depensa naman o ang mga abogado ni Duterte ang magbibigay ng kanilang panig.
Ayon sa ulat, ang susunod na proceedings ay hinati sa tatlong sessions at nakatuon ito sa pagsusumite ng depensa ng merits ng kaso.
Ipinaliwanag pa ni Conti na ang confirmation of charges hearing ay para talaga sa suspek upang matiyak na hindi ito haharap sa “frivolous charges.” Pero hindi aniya in-avail ni Duterte ang pagkakataon matapos tumanggi itong humarap sa proceedings.
Idinagdag ni Conti na ngayong araw makikita kung may laman pa ang denial ni Duterte.
- Latest


















