NBI high-level delegation ipadala na sa Interpol vs Co

MANILA, Philippines — Iminungkahi ni Navotas Rep. Toby Tiangco sa National Bureau of Investigation (NBI) na magpadala na ng high-level delegation sa International Criminal Police Organization (Interpol) headquarters sa Lyon, France, upang mapabilis ang paglalabas ng red notice laban kay Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
Sinabi ni Tiangco na dismayado siya dahil Nobyembre 23 pa inihain ang request at hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring resulta na karaniwan ay 3-4 na linggo lamang.
“Dapat mas maging pursigido at agresibo ang gobyerno,” ani Tiangco, dahil malayang makakagalaw si Co at nakakaiwas sa pag-aresto dahil sa kawalan ng red notice.
Nitong Enero 29 nang ihain sa Korte Suprema ang petisyon ni Co na pinanumpaan niya sa presensya ng notary public sa Nacka, Stockholm Sweden.
Sabi naman ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na nasa Portugal si Co at iisyuhan ng “red flag” ang foreign passport nito upang pigilan siya sa border control.
“Kinukuha namin ‘yong kopya ng passport, then we will put it through Interpol para hindi na siya makalabas ng Portugal at, kung lumabas man, mahuhuli natin,” ayon kay Remulla.
Nanawagan din siya sa mga awtoridad na gawin ang lahat ng paraan gaya ng direct engagement kung wala pa ring nangyayari.
- Latest




















