Co-Discaya contracts sa Bicol pinapa-terminate ni Dizon
MANILA, Philippines — Inatasan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang mga regional officials at district engineers sa Bicol na madaliin ang pag-terminate ng lahat ng kontrata na naibulsa ng mga kumpanyang iniuugnay kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co at mag-asawang contractor na sina Sarah at Curlee Discaya.
Ayon kay Dizon, ang sitwasyon sa Bicol Region ay partikular na nakakabahala dahil maraming proyekto ang nai-award sa mga kumpanyang iniuugnay kay Co, gaya ng Sunwest Inc at Hi-Tone Construction.
Marami rin umano sa mga naturang proyekto ang natukoy na naantala o posibleng depektibo.
“Alam naman natin hindi na puwedeng mangontrata yung Sunwest tsaka Hi-Tone ngayon kasi may mga kaso na, frozen na lahat ng accounts. Kailangan yan i-terminate na,” ani Dizon.
Kabilang sa mga stalled projects na ininspeksiyon ni Dizon ay ang multimilyon pisong Malabog Flyover sa Daraga, Albay, na under construction na simula pa noong 2021, kahit wala pang isang kilometro ang haba nito.
Ang naturang proyekto ay gagamitin sanang alternatibong ruta para sa mga motorista na umaalis sa Bicol International Airport at upang i- decongest ang trapiko sa Maharlika Highway.
Base sa rekord, ang unang dalawang bahagi ng proyekto ay naiuwi ng Hi-Tone habang ang ikatlong bahagi ay nai-award sa Alpha & Omega General Contractor and Development Corp., na iniuugnay sa mga Discaya.
- Latest


















