PANOORIN: Makabayan, muling naghain ng impeachment complaint vs Marcos
MANILA, Philippines — Muling naghain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Bongbong Marcos ang Makabayan bloc, kasama ang mga progresibong grupo, nang makabalik si House Secretary General Cheloy Garafil sa kanyang opisina ngayong Lunes, Jan. 26.
Pormal na tinanggap ng House Secretary General ang verified impeachment complaint na inendorso ng mga miyembro ng Makabayan bloc na sina ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, Kabataan Party-list Rep. Renee Co, at Gabriela Women's Party Rep. Sarah Elago.
Unang tinanggihan ng opisina ni Garafil ang impeachment complaint nitong Huwebes, Jan. 22, dahil wala siya sa opisina matapos pumunta sa Taiwan para tanggapin ang Order of the Brilliant Star with Grand Cordon mula sa Ministry of Foreign Affairs.
Ito na ang pangalawang isinampang impeachment complaint laban sa pangulo sa loob lamang ng isang linggo. Unang nagsampa ang abogadong si Andre de Jesus noong Jan. 19 na inendorso ni Rep. Jett Nisay (Pusong Pinoy Party-list).
Nakasentro ang impeachment complaint ng Makabayan bloc sa tatlong articles of impeachment: pagpapatatag ng sistemikong korapsyon at patronage; pang-aabuso sa discretionary power sa unprogrammed appropriations; at direktang personal na pakikilahok sa kickback schemes.
Nanawagan ang Makabayan kay House Speaker Bojie Dy at sa pamunuan ng Kamara na agad na isama ang reklamo sa order of business at ipasa ito sa angkop na komite alinsunod sa itinakdang panahon ng Konstitusyon.
- Latest


















