‘Big-time rally’ ni Chavit inciting to sedition - Castro
MANILA, Philippines — Maituturing umano na inciting to sedition ang panawagan ni dating Ilocos Sur. Governor Chavit Singson na magkaroon ng isang “one time big time” na rally para patalsikin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na bilang isang abogado, ang pahayag ni Chavit ay maituturing na inciting to sedition dahil sa pang-eengganyo nito na patalsikin ang Pangulo. Bahala na anya ang Department of Justice (DOJ) na mag-imbestiga rito.
Ang tanong nga lang aniya ay kung mayroong mahihikayat si Chavit sa kanyang panawagan.
Tinanggihan naman ni Castro ang panawagan ni Chavit na magkaroon sila ng debate ni Marcos tungkol sa korapsyon dahil busy ang Pangulo at sa katunayan ay hindi siya nakapagbakasyon dahil inaral ang budget nitong kapaskuhan.
Bukod dito, dapat din aniya na ang debate ay ginawa na noong panahon pa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na umamin na mayroong korapsyon sa kanyang administrasyon.
Nitong Lunes ay nanawagan si Singson sa mga religious at youth groups na sumama sa ikakasang “one time big time” rally laban sa korapsyon sa gobyerno at sisimulan na niya ang mga miyembro ng oposisyon na sumama sa kanyang kampanya.
- Latest


















