Ombudsman: Korapsyon sa Hudikatura, talamak din
MANILA, Philippines — Talamak din ang korapsyon sa Hudikatura bukod sa executive at legislative branches ng gobyerno.
Ito ang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla nang maalala ang fertilizer fund scam kung saan si dating Department of Agriculture Undersecretary Jocelyn “Joc-joc” Bolante ay napawalang sala ng Sandiganbayan sa kasong plunder na may kinalaman sa P723 million fertilizer fund scam.
Pinuna ni Ombudsman Remulla ang ginawa ng Sandiganbayan sa pagkakaroon ng lahat ng dahilan para sa pagbasura sa kaso.
“Lahat ng dahilan para mag-acquit, meron ang Sandiganbayan. May mga abogado na gumagapang. Kaya nga ‘yung corruption sa atin, huwag ninyong sasabihing sa executive lang ’yan o legislative. Matindi ho ‘yung judiciary. Matindi ho ’yan. Panoorin n’yo lahat ng judges. Panoorin n’yo ‘yung mga justices. Panoorin natin,” ayon kay Ombudsman Remulla.
Pinuna rin ni Remulla ang kaso sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) kung saan marami ang napawalang sala rito tulad ni dating Senador at chief presidential legal counsel Juan Ponce Enrile gayundin ang kanyang dating chief of staff Gigi Reyes at negosyanteng si Janet Napoles sa kasong 15 counts ng graft kaugnay ng PDAF scam.
“‘Yung PDAF, huling-huli ’yun. Huwag mong sasabihin na mahina ang Ombudsman sa ebidensiya,” sabi pa ni Remulla.
Aniya, sa Enero 15 ang Office of the Ombudsman ay may 20 bagong mga abogado para sa prosecution at litigation na tutulong na mapabilis ang pagbusisi sa mga kasong nakasampa sa tanggapan.
- Latest
























