VP Sara kamukha ni ‘Chucky’ pag galit – Castro
MANILA, Philippines — Ikinumpara ni Palace Press Officer at Presidential Communication Office (PCO) Usec. Atty. Claire Castro si Vice President Sara Duterte sa manikang si “Chucky” mula sa American horror film na “Child’s Play.”
Ginawa ni Castro ang pagkukumpara sa bise presidente sa “Chucky Doll” sa kanyang YouTube Channel na “Let’s clear it with Atty. Claire kung saan nagbigay siya ng reaction sa isang video ni VP Sara.
Partikular na tinukoy ni Castro ang naging asal ni VP Sara nang tanungin kung ano ang mensahe nito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Pasko.
“Magme-message daw ba kay PBBM? O tingnan n’yo ‘yong mukha niya mga ka-Kler. Nadinig lang ang pangalang ‘PBBM,’ tingnan n’yo siya ulit mga ka-Kler, may kahawig ito, e,” ani Castro.
Kasunod nito, ipinakita ni Castro sa kaniyang mga tagapanood ang larawan ng manikang “Good Guy Doll” na sinaniban ni Chucky na tila kamukha raw ni VP Sara kapag nagagalit at nagsasalubong ang kilay nito.
“Tingnan ninyo ‘yong itsura niya dito, parang ganito, e. Nagsasalubong ang kilay. Parang ganiyan. Parang ganiyan lang kapag galit,” ani Castro.
Samantala, sinabi rin ni Castro na si PBBM ay hindi nagbabago ang ugaling mahinahon, hindi nagmumura at nagbabanta ng buhay kahit hindi selebrasyon ng Pasko.
“Definitely, mahinahon ‘yon [PBBM]. Kahit hindi Pasko, mahinahon pa rin. Kahit hindi Pasko, hindi nagme-melt down. Kahit hindi Pasko at maraming bashers, hindi nagmumura, hindi nagbabanta ng buhay,” ani Castro.
- Latest

























