Pulong inisnab imbitasyon ng ICI

MANILA, Philippines — Inisnab ni Davao City Rep. Pulong Duterte ang imbitasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na dumalo sa imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects sa distrito ng mambabatas.
Sa ipinoste ni Pulong sa kaniyang facebook, sinabi ng solon na walang hurisdiksyon ang ICI para obligahin ang mga miyembro ng Kamara na dumalo sa imbestigasyon.
Iginiit nito na ang ICI ay bahagi ng sangay ng ehekutibo na walang kapangyarihan na mag-subpoena ng mga Kongresista ng Kamara kaugnay ng doktrina sa hiwalay na kapangyarihan.
“The ICI appears without power nor jurisdiction over me,” punto ni Duterte sa liham na ipinadala nito kay ICI Chairman Andres Reyes Jr.
Alinsunod sa Executive Order ni PBBM ay nilikha ang ICI na binigyan ng kapangyarihan para mag-imbestiga, mangalap at magsagawa ng ebalwasyon sa mga ebidensya, pakinggan ang panig ng mga nililitis, mga testigo at suriin ang intelligence report o anumang impormasyon sa potensiyal na matinding korapsyon sa mga proyekto sa imprastraktura.
Bilang reaksyon sinabi naman ni ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio na tila nabahag umano ang buntot ni Pulong at ayaw nitong humarap sa imbestigasyon ng ICI sa mga kinukuwestiyong proyekto sa kaniyang distrito sa Davao City.
“Bakit biglang dinaga si Polong? Anyare sa “I welcome the investigation” at “wala tayong tinatago, wala tayong kinakatakutan”? Wala ka lang palang sisiputan,” anang solon.
“Malakas ang loob niyang pumustura na walang anomalya sa kanyang distrito pero ngayong inanyayahan siya sa aktwal na imbestigasyon, nagtatago siya sa wala sa lugar na pribilehiyo bilang kongresista,” dagdag pa ni Tinio.
- Latest























