DTI binira: Sa anong planeta kasya P500 noche buena?
MANILA, Philippines — Umani ng batikos mula sa mga kongresista ang naging pahayag ni Department of Trade and Industry o DTI Sec. Christina Roque na kakasya ang P500 para sa noche Buena ng pamilyang Pilipino.
Ayon kay Kabataan Partylist Rep. Renee Co, dapat ang mga korap sa pamahalaan ang pagtiisin sa P500 na pang-noche buena.
Maaari aniyang hindi naramdaman ng gobyerno ang pagtaas ng presyo sa buong taon, dahil umuulan umano ng kickbacks mula sa katiwalian.
Para naman kay Akbayan PL Rep. Perci Cendaña, habang nalulunod sa taas-presyo ang ating mga kababayan, nakakainsulto ang ganoong paandar ng DTI.
Ang mabuti aniyang gawin, ay sertipikahang urgent ang panukalang taas-suweldo para sa mga manggagawa ngayong Pasko.
Banat naman ni Bicol Saro PL Rep. Terry Ridon, sa anong planeta kasya ang P500 para sa noche buena?
Aniya, sa presyo ng mga bilihin ngayon, kahit simpleng spaghetti at keso ay baka hindi kasya ang P500 na sinasabi ng DTI secretary, lalo na kung marami ang miyembro ng pamilya.
Giit ni Ridon, hindi ba’t mas mahalaga na tiyakin ng gobyerno na manatiling mababa at abot-kaya ang presyo ng mga produkto at pangangailangan, hindi yung sasabihing kailangang pagkasyahin ang P500 na budget para sa noche buena.
- Latest


















