BIR bubusisiin P30 milyong donation fund kay Chiz
MANILA, Philippines — Bubusisiin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang P30 milyong donasyong campaign fund ng contractor na si Lawrence Lubiano kay Sen. Chiz Escudero noong 2022.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Mendoza, kaugnay ito sa pahayag ni Lubiano na mula sa kanyang pera at hindi mula sa kompanya ang perang nai-donate sa kampanya ni Escudero.
“Ibig sabihin mayroon siyang asset na P30 million na ibinigay niya. Ibabangga naman po namin ito sa mga tax return na isinampa niya. Kung ‘yun bang ibinayad niyang buwis ay tumutugma doon sa asset na ‘yun,” ayon kay Mendoza.
Sinabi ni Mendoza na titingnan ng tanggapan kung tugma ang binabayarang buwis ni Lubiano sa kinikita nito.
“Titingnan natin kung ‘yun bang kanyang mga dineklarang taxes o binayarang buwis ay tumutugma doon sa kanyang kita para magkaroon siya ng P30 million na kaya niyang i-donate,” sabi ni Mendoza.
Si Lubiano ang presidente ng Centerways Construction and Development Inc., isa sa Top 15 contractor na binanggit ni Pangulong Bongbong Marcos na nakakuha ng karamihan ng flood control projects sa bansa.
Una nang idineklara ng Comelec Political Finance and Affairs Department na walang nilabag sa Omnibus Election Code sina Escudero at Lubiano kaugnay ng nasabing donasyon.
- Latest





















