2026 budget ng OVP mabilis nakalusot sa Senado

MANILA, Philippines — Mabilis na nakalusot sa plenaryo ng Senado nitong Huwebes ang panukalang budget ng Office of the Vice President para sa 2026.
Ibinalik ang badyet ng OVP sa P889-milyon National Expenditure Program level na naunang binawasan ng House of Representatives at ginawang P733 milyon.
Personal na pinangunahan ni Vice President Sara Duterte ang OVP sa pagdalo sa budget deliberation.
Si Senate Finance Committee chair Sherwin Gatchalian ang tumayong budget sponsor samantalang si Sen. Robinhood Padilla, na kaalyado ni Duterte, ang nag-iisang senador na nagsalita.
Pinasalamatan ni Padilla ang Senado sa pagbabalik ng badyet ng OVP.
Inilaan ng Senate Finance Committee ang karagdagang pondo para sa mga socio-economic projects at stakeholders, partikular sa travelling expenses, supplies at materials expenses, professional services, at financial assistance.
“Ako po ay masaya at nagpapasalamat sa ating mga kasama. Maraming salamat po at hindi po nagmula sa ating bulwagan ang pang-iipit sa ating pangalawang Pangulo,” dagdag ni Padilla.
Matapos ang pagdinig sa budget, humarap mismo si Duterte sa media para sa isang press conference pero tumanggi siyang sumagot sa mga tanong ng mga mamamahayag.
- Latest






















