Ex-Executive Secretary Bersamin: Hindi ako nag-resign

MANILA, Philippines — Itinanggi ni dating Executive Secretary Lucas Bersamin na nag-resign siya “out of delicadeza,” taliwas sa naunang pahayag ng Presidential Communications Office (PCO).
Ayon kay Bersamin, nais niyang itama ang maling impresyon na kusa syang nagbitiw, dahil hindi naman totoo na nagsumite sya ng resignation letter.
Sinabi niya na ang tanging dokumentong kanyang pinirmahan ay ang liham na nag-a-acknowledge na napalitan na siya, at ginawa nya ito noong hapon ng November 18, isang araw matapos ianunsyo ng Palasyo na nagbitiw umano sya sa puwesto.
Hindi rin aniya siya kinonsulta bago inilabas ang pahayag ng PCO, bagay na ikinabigla niya.
Gayunman, tinanggap niya ang pagpapalit dahil ang kanyang posisyon bilang Executive Secretary ay “at the pleasure of the President.”
Binigyang-diin pa ni Bersamin na nais niyang maging malinaw na hindi siya kusang nagbitiw, lalo na’t ayaw nyang isipin ng publiko na guilty siya sa mga ibinabatong akusasyon.
Hindi naman sinagot ni Bersamin ang tanong kung ginawa lang siyang scapegoat, dahil ayaw aniyang makasira ng ibang tao at kung may nais maghabla laban sa kanya ay handa naman siyang harapin ito.
Nakaladkad ang pangalan ni dating ES Bersamin sa umano’y P52-billion insertion, batay sa pahayag ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo.
Mariing itinanggi ni Bersamin ang paratang na may kinalaman siya sa budget insertions at binigyang-diin na hindi trabaho ng kanyang tanggapan ang makialam sa budget.
- Latest



















