ICI: Bernardo, nag-aplay sa ‘Witness’
MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Independent Commission for Infrastructure (ICI) spokesperson Brian Hosaka kahapon na nag-aplay na si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo sa Witness Protection Program (WPP) ng pamahalaan, upang maging state witness sa ginagawang imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects sa bansa.
Sinabi ni Hosaka na nagsumite si Bernardo ng liham sa ICI at ipinaliwanag na hindi siya nakadalo sa pagdinig kahapon dahil nag-aplay siya sa WPP.
Nabatid na si Bernardo ay kasalukuyang itinuturing na “protected witness” sa ilalim ng WPP.
Nagsumite na rin umano si Bernardo ng kanyang second supplementary affidavit, na kaparehong affidavit na binasa niya sa Senate blue ribbon committee noong nakaraang linggo.
“Tinanggap po ng komisyon ang kanyang sulat at ang kanyang affidavit para mapag-aralan at masama sa aming imbestigasyon,” ani Hosaka.
Isasama umano ang naturang salaysay sa susunod na referral ng ICI sa Office of the Ombudsman.
- Latest

















