Senate ethics walang miyembro kaya hindi makakilos
MANILA, Philippines — Dumipensa si Senate Ethics Committee chairman JV Ejercito kung bakit hindi pa kumikilos sa mga reklamong inihain laban sa ibang senador.
Paliwanag ni Ejercito, siya pa lamang ang naitalaga na pinuno subalit ang iba pang miyembro nito ay hindi pa nabubuo.
Naitalaga lamang aniya ang Senador ilang araw bago mag-adjourned ng sesyon ang Senado at hindi pa ito nabubuo kaya hindi pa sila makapag-meeting o hearing.
Nilinaw naman ng Senador na sa sandaling makumpleto ang miyembro ng panel ay kaagad nilang didinggin ang apat na nakabinbing reklamo laban sa ilang senador na base sa ‘first in, first out” ng reklamo.
Kabilang sina Sens. Chiz Escudero at Risa Hontiveros ang may nakahaing reklamo sa komite.
Nag-ugat ang reklamo laban kay Hontiveros mula sa isang witness kung saan binayaran umano siya ng P1 milyon para magsinungaling tungkol sa pang-aabuso umano ni Pastor Apollo Quiboloy at sa aniya ay mga armas ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala ang reklamo naman laban kay Escudero ay dahil sa P30 milyon campaign contribution na tinanggap umano ng senador mula sa isang kaibigang contractor.
“We are committed to carrying out our mandate with integrity, impartiality at full respect for due process,” saad ni Ejercito.
- Latest



















