3 pagsabog naitala sa Taal

MANILA, Philippines — Tatlong beses nagbuga ng abo ang Taal Volcano kahapon ng umaga.
Ito ang sinabi ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Teresito Bacolcol kung saan pinakahuling naitala ang dalawang minutong minor phreatomagmatic eruption dakong alas-8:12 hanggang alas-8:14 ng umaga.
Ang pagputok ay lumikha ng plumes na umabot sa 2,000 metro ang taas mula sa crater ng bulkan.
Una rito, naitala kahapon ng alas-2 ng madaling araw ang isang phreatic eruption, na sinundan ng isa pang phreatomagmatic eruption dakong alas-2:55 hanggang alas-2:56 ng madaling araw.
Bahagi pa rin ito ng mga aktibidad ng bulkan, na kasalukuyang nasa Alert Level 1 ang status.
Sabado ng hapon, nang magkaroon ng minor phreatomagmatic eruption ang Taal Volcano, na lumikha ng plume na umabot sa 900 metro ang taas mula sa crater.
Ayon naman sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ng Talisay, Batangas, patuloy ang kanilang pagsubaybay sa kondisyon ng Taal sa pamamagitan ng mga CCTV live feed, opisyal na bulletins ng Phivolcs, at air quality monitoring upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Paalala ng lokal na pamahalaan na manatiling mahinahon, iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon, at maghintay lamang sa mga opisyal na abiso mula sa DOST-Phivolcs at MDRRMC Talisay.
- Latest

















