Korapsyon talamak, normal na sa pulitika
Ayon sa 97% ng Pinoy
MANILA, Philippines — Majority o 97% ng mga Pinoy ang naniniwalang malawakan o widespread ang korapsyon sa pamahalaan at bahagi na ito ng normal na kalakaran sa politika.
Batay sa resulta ng Nationwide Survey on Corruption ng Pulse Asia, sa 97% na nagsabi ng “widespread” ang korapsyon, 78% ang “very widespread”, habang 20% ang “somewhat widespread”.
Nasa 2% naman ang walang sagot kung widespread o hindi at ang nalalabing percentage ay not widespread.
Sa ginawang tanong sa mga respondents kung masasabi nilang “Corruption is a normal part of politics in our country,” nasa 59% ay agree, 31% “strongly agree” at 28% “somewhat agree”.
Malaki rin ang paniwala ng maraming Pinoy na tumitindi pa ang korapsyon o 85%; 12% ay “the same” at 3% “actually decreased”.
Ayon pa sa survey, nasa 98% ng mga Pinoy sa income class ABC at class E ang naniniwalang laganap ang korapsyon sa gobyerno habang 97% sa class D.
Nasa 100% naman ng mga Pinoy mula sa Visayas ang nagsabing widespread ang government corruption, habang 95% ang naitala sa Metro Manila, 96% sa Balance Luzon at 98% sa Mindanao.
Sa nasabi ring survey, majority ng mga Pinoy ang nagsabi na ang media ang pinaka-pinagkakatiwalaan nila o ‘most trustworthy’ upang tugunan ang korapsyon sa flood control projects na nasa 51%.
Sinundan ito ng civil society organizations na nasa 50%, Office of the Ombudsman na nasa 39%, Senado - 37%, Pang. Ferdinand Marcos Jr. - 32%, at House - 25%.
Ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) naman na itinatag ni Pang. Marcos upang mag-imbestiga sa maanomalyang government projects ay nakakuha lamang ng 23% trustworthiness rating, habang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay 7%.
Ang naturang non-commissioned survey ng Pulse Asia, na nilahukan ng 1,200 adults na isinailalim sa face-to-face interviews, ay isinagawa mula Setyembre 27 hanggang 30, 2025.
Ito ay sa panahong nagsasagawa ang administrasyong Marcos Jr. ng crackdown at congressional investigations hinggil sa maanomalyang flood control projects sa bansa.
- Latest























