Magnitude 6.0 na lindol tumama sa Surigao del Sur
MANILA, Philippines — Niyanig ng magnitude 6.0 na lindol ang Surigao del Sur nitong Sabado ng gabi, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) kahapon.
Ang tectonic na lindol ay nangyari bandang alas-10:32 ng gabi na may lalim na 24 kilometro habang ang epicenter ay 28 kilometro sa hilagang silangan ng Cagwait, sa nasabing lalawigan.
Naitala naman ang Intensity IV sa Cagwait at Carmen, Surigao del Sur; Cagayan de Oro City, Davao City at Butuan City.
Samantalang Intensity III sa Abuyog, Leyte; Hinunangan, Hinundayan, San Francisco at Silago, Southern Leyte; Cabanglasan, Don Carlos, Malaybalay City at San Fernando sa Bukidnon; Bislig City, Surigao del Sur at Mati City, Davao Oriental.
Intensity II naman sa Alangalang, Baybay City; Dulag, at Palo, Leyte; Catbalogan City, Samar; Sogod, Southern Leyte; Libona, Bukidnon; Gingoog City at Initao, Misamis Oriental; Surigao City, Surigao del Norte habang Intensity 1 sa Javier, Leyte.
Inihayag pa ng Phivolcs na inaasahan ang pinsala at mga aftershocks matapos ang lindol.
- Latest























