Media ilibre, ‘wag singilin ng mahal sa access sa public docs - Diokno
MANILA, Philippines — Nanawagan si Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno sa mga ahensiya ng pamahalaan na huwag singilin ng mahal at kung maari ay ilibre na lamang ang mga media practioner sa access sa mga pampublikong dokumento.
Ginawa ni Diokno ang pahayag matapos makarating sa kaalaman nito ang report ng mga journalist na sinisingil sila ng mahal sa pag-access sa rekord ng Security and Exchange Commission (SEC) na pumapatak umano sa P30,000.
Sa pagdinig ng Senate Committee ay ibinunyag ng WeSolve Foundation Pres. Kenneth Abante na ang journalist ng Rappler ay gumasta ng P30,000 para makakuha ng files sa SEC hinggil sa mga kumpanya na pag-aari ng nagbitiw na si Ako Bicol Partylist representative Zaldy Co.
“Journalists play a vital role in uncovering anomalies and promoting accountability. The government should make it easier for them to do their job, instead of serving as an obstacle in their search for truth,” ani Diokno.
“Mas mabuting gawing libre ng gobyerno ang pagkuha sa mahahalagang dokumento na may kinalaman sa ginagawa nilang investigative reports. Kung hindi man puwede, dapat magpataw sila ng mas murang singil para makakuha ng kopya ng mga ito,” sabi pa ni Diokno.
- Latest


















