P100 bilyong isiningit ng mga senador sa 2025 budget
MANILA, Philippines — Mahigit P100 bilyon ang isiningit na mga item ng halos lahat ng senador ng 19th Congress sa 2025 General Appropriations Act (GAA), ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Linggo.
Ani Lacson, lumalabas sa dokumentong kanyang nakalap na ang mga siningit ay mga individual insertions, bagama’t na-tag na “For Later Release (FLR).”
“Sa Senate pa lang, at least P100 bilyon. Nagulat nga ako, sa individual insertions ito,
ito naka-FLR ngayon,” ani Lacson sa panayam sa DZMM.
“Pagkalalaki. Never pa ako nakakita kasi noong araw ‘di pa declared unconstitutional ang PDAF nandoon lang sa hundreds of millions. Eh ngayon nakita ko ang total, kabuuan at least P100 billion,” dagdag pa niya.
Ani Lacson, hindi pa niya nakikita ng buo ang listahan ng mga miyembro ng House of Representatives, ngunit “ang haba ng listahan din.”
Posibleng tanungin ni Lacson ang mga kinauukulang ahensya sa darating na budget deliberations ng Senado kung bakit pinayagan ang mga ganoong pagsingit.
Binigyang-diin ni Lacson na bagama’t hindi awtomatikong ilegal ang insertions o amendments, nagiging kuwestiyonable ito lalo na kung umaabot sa P5 bilyon-P9 bilyon ang bawat individual insertion.
Babala niya, maaaring banta ito sa ekonomiya dahil ang mga pondong naantala o nailihis ay sana’y mapupunta sa mga proyektong pang-imprastraktura na napagplanuhan at sinuri mula barangay, lungsod at rehiyonal na antas.
Muling nanawagan si Lacson sa mga kapwa mambabatas na pairalin ang pagpipigil sa sarili sa paggawa ng insertions para sa mga locally funded infrastructure projects.
Nanawagan din siya na iwasan ang paggamit ng tinatawag na “leadership fund” sa DPWH na nagbibigay daan sa mga legislator na makapagsingit ng proyekto sa antas ng National Expenditure Program (NEP).
- Latest


















