AGAP solon pumalag kay Discaya
MANILA, Philippines — Mariing pinabulaanan ni AGAP partylist Rep. Nicanor Briones ang mga alegasyon ng mag-asawang Discaya na kabilang siya sa mga pulitikong tumanggap umano ng porsyento sa mga proyekto ng mga Discaya.
Sa ginanap na Senate hearing nitong Lunes, sinabi ni Curlee Discaya, isa sa may-ari ng St. Gerrard Construction Gen. Contractor & Development Corp. at Alpha & Omega General Contractor & Development Corp, may mga opisyal umano mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na lumapit sa kanila para kunin ang parte sa proyekto.
Ayon kay Discaya, ang hinihingi nilang porsyento ay hindi bababa sa 10% at umaabot pa sa 25% na naging kondisyon upang hindi maipit ang implementasyon ng kontrata.
“Mariin ko pong itinatanggi ang mga walang batayang paratang ng mga Discaya laban sa akin sa ginawang Senate hearing nitong Lunes ng umaga. Hindi ko po alam kung ano ang motibo sa pagdawit sa pangalan ng inyong lingkod,” wika ni Cong. Briones.
“Nakikipag-ugnayan na tayo sa ating abogado upang maghain ng tamang kaso laban sa mga Discaya. Hindi natin papayagan na sirain ang ating pangalan at pagkatao na matagal nating iniingatan,” dagdag pa ni Briones.
- Latest























