P8.1 billion BDP budget ikinatuwa ng NTF-ELCAC
MANILA, Philippines — Malugod na tinanggap ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang mungkahing alokasyon na ?10 milyon bawat barangay para sa 808 dating apektado ng armadong tunggalian sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP), na may kabuuang halagang ?8.1 bilyon.
Ayon kay Executive Director Usec. Ernesto C. Torres Jr., ang panukala—na sumasalamin sa “matatag na pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa inklusibong kaunlaran”—ay nagbibigay ng malinaw na mensahe na “walang komunidad na maiiwan”.
“Hindi lang ito tungkol sa kalsada o gusali. Isa itong pamumuhunan sa kapayapaan, dignidad, at oportunidad para sa mga komunidad na matagal nang napabayaan at sugatan ng insurgensya. Bawat kalsadang ating binubuo, bawat silid-aralang itinatalaga, at bawat pamilyang pinapalakas ay hakbang palapit sa paglalagay ng armadong rebelyon sa kasaysayan,” ani Torres.
Ang Barangay Development Program (BDP), na kinikilala bilang pangunahing programa ng NTF-ELCAC, ay naghahatid ng mahahalagang imprastruktura at serbisyo sa mga barangay na nalinis na mula sa impluwensya ng CPP-NPA-NDF—kabilang ang farm-to-market roads, silid-aralan, health stations, sistema ng patubig, at elektripikasyon—na tumutugon sa mga ugat ng insurgensya sa ilalim ng National Action Plan for Unity, Peace, and Development (NAP-UPD).
Taong 2025, ?2.5 milyon lamang bawat barangay ang inaprubahan ng Kongreso, dahilan upang humanap ang NTF-ELCAC ng karagdagang ?5 milyon bawat barangay upang hindi maputol ang pagpapatupad ng mga proyekto.
- Latest
























