Nadia Montenegro tinukoy sa ‘tsongki’ sa Senado

MANILA, Philippines — Pinangalanan ng isang staff ni Sen. Ping Lacson ang dating aktres na si Nadia Montenegro sa kontrobersiyal na umano’y paggamit ng marijuana sa loob ng Senado.
Sa incident report ng Office of the Sergeant-at-Arms, sinabi ni Senate Security Officer Victor Patelo na dalawang beses naitala ang kakaibang amoy mula sa ladies’ comfort room malapit sa opisina ng mga senador.
Una ay noong ikalawang linggo ng Hulyo bandang alas-5 ng hapon, matapos makatanggap ng tawag mula sa isang male staff.
Sa isinagawang inspeksyon, nakumpirma ang amoy ngunit walang naabutang naninigarilyo.
Noong Agosto 12, nagsumbong naman ang staff ni Lacson na nakalanghap siya ng amoy na tinukoy niyang “marijuana” mula sa nasabing comfort room at sinabing ang nag-iisang tao sa area ay si Montenegro.
Hindi pinangalanan sa report ang staff ni Lacson na humiling kay Patelo na “pasimpleng” tanungin si Montenegro kapag dumaan sa kanyang post.
“The male staff member asked me to discreetly approach Ms. Montenegro, which I did when she walked past my post, as I as was unable to leave my station being the only one on duty at the time,” sinabi ni Patelo sa kanyang incident report.
Itinanggi ni Montenegro na nagsigarilyo siya o gumamit ng marijuana sa ladies’ CR, ngunit inaming may vape sa kaniyang bag na aniya’y maaaring pinagmulan ng amoy.
Sa kabila nito, binigyan nila ng limang araw si Montenegro upang magpaliwanag at nabatid na nag-file na ito ng leave of absence.
Iniimbestigahan na rin ng tanggapan ni Sen. Robin Padilla si Montenegro na isa sa kanilang staff.
- Latest



















