Impeachment vs VP Sara posibleng ihain muli sa Pebrero – solon

MANILA, Philippines — Posibleng muling ihain o i-refile ang impeachment complaint kay Vice President Sara Duterte sa ilalim ng 20th Congress sa Pebrero 2026.
Ito ang pananaw ni House Committee on Public Accounts Chairman Terry Ridon, sakaling panindigan ng Korte Suprema ang una nilang ruling na nagdeklara sa Articles of Impeachment na “unconstitutional.”
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Ridon na maaaring ang kasalukuyang Articles of Impeachment pa rin ang basehan, katulad ng isyu ng maanomalyang paggamit ng confidential funds, at pagbabanta sa buhay ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Kaya kapag nai-refile, dadaan muli ito ang proseso ng impeachment, subalit may bagong rekisito na kailangang gawin at kung ano ang paraan o kung sa Justice Committee ba o plenaryo, subalit ang mahalaga aniya ay mayroong managot.
Sa ngayon, sinabi ni Ridon na hihintayin pa rin ng Kamara ang resulta ng motion for reconsideration o MR. Kung anuman ang mangyari rito, doon muli mag-uusap-usap ang mga kongresista.
Naniniwala naman ang Kongresista na mas mabuting in-archive lamang ang Articles of impeachment at hindi dismissed.
Dahil sakaling baligtarin ng Korte Suprema ang kanilang pasya ay maaaring mabuhay ang impeachment.
- Latest



















