Trump binanatan ang Duterte admin: ‘Hindi nila alam ang ginagawa nila’
MANILA, Philippines — Sa kauna-unahang pulong nina US President Donald Trump at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos mahalan si Trump para sa pangalawang termino, diretsahang binanatan ng American leader ang dating pangulong Rodrigo Duterte, at sinabing “hindi nila alam ang ginagawa nila.”
“Masasabi kong ang nakaraang administrasyon ay hindi naging maayos ang pakikitungo sa kanila. Hindi sila makasundo ng kahit sino... sa totoo lang, hindi nila alam ang ginagawa nila,” ani Trump sa wikang Ingles sa isang joint interview habang katabi si Marcos — na ngumiti lang sa kanyang sinabi.
Binanggit ito ni Trump habang pinupuri ang kasalukuyang relasyon ng Amerika at Pilipinas sa ilalim ni Marcos.
“Alam kong nagkaroon kayo ng problema sa isang dating pangulo, at hindi mo kasalanan ’yon. Kasalanan ’yon ng pangulo. At ang bansa (Pilipinas) ay parang kumikiling noon sa China, pero naitama agad natin ’yon. Sa tingin ko, hindi ito magiging maganda para sa inyo kung nagpatuloy pa,” ani Trump.
Patama sa China pivot ni Duterte
Hindi rin pinalampas ni Trump ang naging foreign policy ni Duterte, lalo na ang paglapit nito sa China sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea.
“Puwede kayong makipag-ugnayan sa China. Dapat kayong makipag-ugnayan sa China. Pero noong nanalo ako sa eleksyon, nagbago ang lahat, at agad silang bumalik sa atin,” dagdag ni Trump.
Aniya, wala siyang problema kung makikipag-ugnayan si Marcos sa China, basta’t para sa kapakanan ng bansa.
“Wala akong isyu kung makipag-ugnayan ang pangulo sa China... Sa tingin ko, kailangan niyang gawin kung ano ang makabubuti para sa kanyang bansa. Lagi kong sinasabi, gawing dakila ulit ang Pilipinas. Gawin mo ang anumang kailangan mong gawin,” ani Trump.
Tensyon sa politika. Dumating ang mga pahayag ni Trump habang mainit ang bangayan sa politika sa Pilipinas. Si Vice President Sara Duterte ay ilang ulit nang bumatikos kay Marcos, at minsang inaming nag-hire siya ng hitman sakaling may mangyaring masama sa kanya.
Si Rodrigo Duterte naman ay kasalukuyang nakakulong sa The Hague habang dinidinig ang kaso niya sa International Criminal Court kaugnay ng umano’y krimen laban sa sangkatauhan noong kanyang termino. — Mula sa ulat ni Jean Mangaluz
- Latest


















