4 patay kay ‘Crising’, 3 pa missing

MANILA, Philippines — Apat katao ang nasawi sa pinagsamang pananalasa ng southwest monsoon rain o habagat at bagyong Crising na nagdulot ng mga pagbaha at landslide sa mga naapektuhang lugar sa bansa, ayon sa pinagsamang ulat nitong Sabado.
Sa inisyal na ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC), kabilang sa nasawi ang 23-anyos na buntis na ginang na nadaganan ng puno ng niyog habang naglalakad noong Biyernes sa Brgy, Ticulon, Malita, Davao Occidental.
Sa isa pang insidente sa Brgy, Moriones, Ocampo, Camarines Sur, patay rin ang dalawang riding in tandem na kinilala sa pangalang Christian, 36 at Freddy, 33, nang madaganan ng nabuwal na puno ng acacia habang bumabagtas sa tabi ng Gov. Fuentebella Highway sa nasabing lugar.
Ang isa pang nasawi ay si Jesus Calatican, 54, Chairman ng Brgy. Lablabig, Claveria, Cagayan, driver ng service vehicle ng kanilang barangay na nahulog sa bangin nitong Biyernes ng umaga sa kasagsagan ng pag-ulan sa Brgy, Pared, Alcala Cagayan. Nasugatan naman ang siyam katao sa insidente.
Sa ulat ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Officer-in-Charge Rafaelito Alejandro IV, tatlo katao rin ang nawawala, dalawa rito ay sa Antique na sina Leonardo Alabog at Allan Zona na tinangay ng malakas na agos ng tubig baha, at isa naman sa Palawan.
Nasa mahigit 215,000 katao naman ang naapektuhan sa 495 Barangays partikular na sa Negros Island na dumanas ng matinding mga pagbaha.
Nasa 18,000 personnel ng AFP, PNP at Philippine Coast Guard (PCG) ang minobilisa na naka-standby sa rescue operations sa mga apektadong residente.
Sa inisyal na pagtaya, nasa P11.5 milyon ang naitalang pinsala sa istraktura ng flood control sa Ilocos Region.
Samantala, nag-deploy naman ang Philippine Army ng humanitarian assistance and disaster response team sa buong Northern Luzon para magsagawa ng search and rescue mission sa mga lugar na apektado ng hagupit ni Crising.
- Latest


















