EGOVPH Serbisyo Hub inilunsad ni Pangulong Marcos

MANILA, Philippines — Mas magiging madali na ang pag-aasikaso ng mga papeles na hindi na kailangan pa magpalipat-lipat ng mga opisina o tanggapan.
Ito’y matapos pangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglulunsad ng Bagong Pilipinas EGOVPH Serbisyo Hub (BPESH) sa San Juan City.
Layon ng Pangulo na gawing mas accessible o madaling maabot ng publiko ang mga serbisyo ng pamahalaan na hindi na dadaan sa mahabang pila.
Sa pahayag ng Pangulo, batid aniya niya ang hirap ng publiko na pinagpapasa-pasahan at nauubos ang oras sa pagkuha ng mga dokumento.
Ang Bagong Pilipinas EGOVPH Serbisyo Hub (BPESH) ay magsisilbing pinagsama-samang plataporma para sa tuluy-tuloy na paghahatid ng mahahalagang tulong at serbisyo publiko na madaling mapakinabangan ng mga mamamayan.
Layunin din ng hub na ito na magbigay ng pagkakataon sa Pangulo na regular na makisalamuha sa publiko at marinig mismo ang kanilang mga karanasan, hinaing, at pangangailangan.
- Latest



















