Anti-Red-Tagging Bill, mapanganib - NTF ELCAC
MANILA, Philippines — Nababahala ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) laban sa panukalang Anti-Red-Tagging Bill, na sa halip na maging panangga ng demokrasya ay nagiging panganib sa mga nagsusulong ng legalidad laban sa terorismo.
Layon ng panukala na gawing krimen ang lehitimong pagbubunyag ukol sa pambansang seguridad, patahimikin ang mga dating rebelde at biktima ng insureksyon, at bigyang-lakas ang mga lihim na galamay ng CPP-NPA-NDF na namumuhay sa panlilinlang at panlulusot.
Ayon kay NTF-ELCAC Executive Director Ernesto C. Torres Jr., ang panukalang batas ay maaaring gawing krimen ang mga lehitimong pahayag—batay sa mga ulat pang-intelihensiya, sinumpaang salaysay ng mga dating rebelde, at aktwal na karanasan ng mga pamayanang minsang sinakop ng terorismong komunista.
Sa pamamagitan ng pananahimik ng mga naglalantad sa mga front organization at koneksyon nila sa CPP-NPA-NDF, binibigyan ng lakas ang panlilinlang at pinapahintulutan ang kawalan ng pananagutan.
Hindi anya panunupil ang layunin ng NTF-ELCAC kundi kapayapaan kung saan higit 9,300 barangay na dating may kaguluhan ang natulungang makamit ang kapayapaan at kaunlaran, kasabay ng pagsuko at pagbabagong-buhay ng libu-libong dating rebelde.
- Latest


















