Comelec: Final testing, sealing ng ACMs, ‘100% successful’

MANILA, Philippines — Naging 100% na matagumpay umano ang isinasagawang final testing and sealing (FTS) ng Commission on Elections (Comelec) sa automated counting machines (ACMs) na gagamitin sa May 12 National and Local Elections (NLE).
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, wala ni isa mang makina ang nakitaan ng isyung teknikal sa isinasagawang testing sa mga makina.
“So far, 100% successful po ‘yung ating mga tina-try na mga makina. Wala pong kahit isa na technical issue na na-encounter ang ating mga electoral board members,” ani Garcia.
Iniulat din naman ng poll chief na sa ngayon ay nai-distribute na ang mga ACMs sa buong bansa.
Sinimulan ang final sealing and testing sa mga ito noong Mayo 2 at magtatagal hanggang sa Mayo 7.
Sa ilalim ng FTS, magsasagawa ang electoral board members (ERBs) ng end-to-end test sa ACMs, kabilang na ang inisyalisasyon sa mga ito.
Seselyuhan ang mga ACMs at itatago sa tanggapan ng Department Education Supervisor Official (DESO) at babantayan naman ng mga pulis at militar hanggang sa araw ng halalan.
- Latest
















