60 kph rule sa main roads istriktong ipatupad — Tol

MANILA, Philippines — “Dapat mahigpit na ipatupad ang 60 kilometer-per-hour (60 kph) speed limit sa mga pangunahing kalsada para sa kaligtasan ng publiko.”
Ito ang giit ni Senate Majority Leader Francis “TOL” Tolentino matapos ang nangyaring banggaan sa Commonwealth Avenue, Quezon City, kung saan dalawa ang namatay at 16 ang nasugatan.
Sa termino ni Tolentino bilang chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA) unang ipinatupad ang 60 kph rule sa Commonwealth ?Avenue noong 2011. Mula noon ay pinalawig na ito ng MMDA para sakupin ang ibang malalaking kalsada sa Metro Manila.
“Tinaguriang ‘killer highway’ ang Commonwealth dahil sa dami ng aksidente at namamatay doon. Bilang MMDA Chairman, naging tugon namin ang 60 kph rule,” aniya.
Sa inisyal na ulat ng pulisya at CCTV footage, lumalabas na mabilis ang takbo ng sangkot na passenger jeepney bago ito nawalan ng kontrol at bumangga sa dalawa pang sasakyan.
“Mahalaga pa rin hanggang ngayon ang 60 kph rule, mula noong una namin itong isinulong 14 taon na ang nakararaan,” diin nya.
Bilang MMDA chairman at senador, adbokasiya na ni Tolentino ang pagsusulong ng mga modernong solusyon sa trapiko. Inilunsad kamakailan ang kanyang smart traffic light signaling system sa Kalibo, Aklan. Pinangunahan din niya ang naturang programa sa Dumaguete (Negros Oriental), Naga (Camarines Sur), GMA (Cavite), San Pablo at Calamba (Laguna), at Roxas (Capiz).
- Latest



















