Isko, Verzosa banggaan sa pagka-alkalde

MANILA, Philippines — Lalong umiinit ang laban para sa pagka-alkalde ng Maynila matapos lumabas sa pinakabagong Boses ng Bayan pre-election survey na dikit o 7% lang ang agawat sa pagitan ng dating alkalde na si Isko Moreno Domagoso at Cong. Sam Verzosa.
Batay sa survey na isinagawa ng RPMD Foundation Inc. at RPMD News Network Inc., nangunguna si Isko Moreno na may 45% suporta mula sa mga botante, habang pumapangalawa si Verzosa na may 38%. Tila dalawang-kabayong karera ang laban, kapwa todo-kampanya at todo-lapit sa masa ang dalawang kandidato—mula sa grassroots hanggang social media, ramdam ang banggaan.
“Ayon sa 7-porsyentong lamang ni Moreno, malinaw na humihigpit ang laban sa Maynila,” ani Dr. Paul Martinez, Executive Director ng RPMD. “Malaki pa rin ang hatak ni Moreno dahil sa kanyang naging termino, pero mabilis ang pag-angat ni Verzosa.
Samantala, si Mayor Honey Lacuna ay nakakuha naman ng 15% sa survey.
Sa labanan sa Kongreso, sa district 1, nangunguna si Rep. Ernix Dionisio (80%), malayo kina Joseph Lumbad (11%) at Manny Lopez (7%).
Sa district 4, umaarangkada si Giselle Maceda, asawa ni incumbent Rep. Edward Maceda, 48%. Sinusundan siya nina Luisito Chua (24%), Joel Villanueva (20%), at Trisha Bonoan (5%).
Habang sa district 6, patuloy ang matatag na kapit ni veteran Congressman Benny Abante (82%), na malayo sa katunggaling si Joey Uy (17%).
Isinagawa ang Boses ng Bayan survey mula Marso 15-20, 2025, gamit ang face-to-face interviews sa 5,000 rehistradong botante sa Maynila. May margin of error itong ±1% at 95% confidence level.
- Latest